Pinasisimulan na ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. ang proseso para sa pagwawakas ng Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng Pilipinas at Amerika.
Sa kanyang twitter post, sinabi ni Locsin na nakatakda siyang magtungo ng Washington para asikasuhin ang ilang mahahalagang bagay.
Gayunman, bago aniya siya umalis ay kanyang tinawagan si Defense Secretary Delfin Lorenzana para mapasimulan na ang proseso sa termination ng USVFA.
Ayon kay Locsin, unang hakbang para sa pagbasura ng VFA, ang pagtawag sa senate foreign relations committee dahil sa panig ng Pilipinas ay isa itong treaty o tratado.
Habang sa panig naman ng Estados Unidos, isa aniya itong executive agreement.
Dagdag ni locsin, tulad ng pagkalas ng pilipinas sa International Criminal Court (ICC), hindi na rin kinakailangan pang aprubahan ng Senado ang pagpapatigil sa VFA dahil personal na kapangyarihan ito ng pangulo.
Gayunman, iginiit ng kalihim na nais niya pa ring abisuhan ang senado hinggil dito bilang courtesy o paggalang.