Inilatag ng Department Of Health o DOH ang mahigpit na prosesong pinagdadaanan bago aprubahan ang isang COVID-19 vaccine.
Ito’y sa gitna ng pagbusisi ng mga bakuna kontra COVID-19 na posibleng ipamahagi sa publiko.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, unang-una dumadaan ang bakuna sa Vaccine Expert Panel o VEP kung saan sila ang sumusuri ng datos ng clinical trial na ginawa sa ibang bansa.
Kung makakapasa sa VEP, aakyat ito sa Food and Drug Administration (FDA) kung saan panibagong mga eksperto naman ang muling susuri sa bakuna.
Kapag nakapasa sa FDA, bibigyan nila ang bakuna ng Emergency Use Authorization at saka dadaan sa health technology assessment.
Ani Vergeire, sa VEP pa lamang ay marami na ang tinitingnan para matukoy kung dapat bang aprubahan ang isang bakuna.
Kabilang sa sinusuri ay ang track record ng kompanya, stability ng bakuna habang nasa imbakan, safety sa mga pinagdaanang clinical trials at pinaka mahalaga rito ay ang efficacy rate at kaligtasan nito.
Tiniyak naman ni Vergeire na hanggang sa mabakunahan ang publiko, nakaantabay ang DOH sa mga posibleng makaranas ng “adverse effect”.