Bumuo na ng guidelines ang national incident council sa ilalim ng National Task Force Against COVID-19 para sa mga nai-stranded na mga indibidwal sa dalawang buwang lockdown.
Ito’y ayon kay PNP Deputy Chief for Adminsitration P/Ltg. Camilo Cascolan ay naglalayong mapabilis ang pagpapauwi sa mga naipit sa lockdown na ngayo’y nakararanas na ng matinding kalungkutan.
Karamihan aniya sa mga nai-stranded ay mga estudyante, lokal na turista, construction worker at iba pang manggagawa sa sektor ng kalakalan.
Gayunman, ipinaliwanag ni Cascolan na kinakailangan lamang na kumuha ng travel pass ang isang nai-stranded para maka-uwi sa kanilang mga lalawigan.
Kung province to province ang ruta, ang regional director ng pulisya sa pinanggalingan at destinasyon ang dapat maglabas ng travel authority at clearance.
Ang provincial directors naman sa point of origin at destinasyon ang siyang mangangasiwa sa travel pass at clearance kung inter- city o municipality ang ruta.
Habang ang chiefs of police naman aniya ang siyang bahala kung ang biyahe ay tawid barangay lamang.
Gayunman, binigyang diin ni Cascolan na kailangan din nila itong ipagbigay alam sa mga awtoridad ng mga lugar na daraanan ng isang nai-stranded gayundin sa DILG at Joint Task Force COVID-19 Shield.