Nananawagan ang mababang kapulungan ng kongreso sa Department of Foreign Affairs at sa Embahada ng Pilipinas sa Kuwait na tiyaking mabibigyan ng tamang tulong ang ating mga kababayan na nahaharap sa kaso.
Kasunod ito ng insidenteng kinasangkutan ng isa nating kababayan na nagtatrabaho bilang Household Service Worker sa Kuwait na nauwi sa trahedya at ikinasawi ng isang bata sa nasabing bansa.
Batay sa nakuhang impormasyon ng Department of Migrant Workers, ikinulong sa loob ng washing machine ng hindi pinangalanang OFW ang isang taong gulang na batang Kuwaiti dahil umano sa inis nito.
Ayon kay OFW partylist rep. Marissa “Del Mar” Magsino, dapat tiyakin na mabibigyan ng patas na paglilitis, at maprotektahan ang karapatang legal ng mga pinoy workers habang nilalakad ang naturang kaso.
Binigyang diin rin ng mambabatas ang kahalagahan ng patuloy na pakikipag-ugnayan sa pamahalaan ng Kuwait upang maiwasang maapektuhan ang imahe ng mga Pilipino, lalo na’t kilala tayo bilang mapagkakatiwalaan at maasikaso sa ating mga tungkulin.
Mahalaga rin aniya, na masiguro na walang magiging negatibong epekto ang insidente sa kapakanan ng mahigit 270,000 Pilipino sa Kuwait, lalo na sa mga naghahanapbuhay bilang mga Household Service Worker.
Iginiit ni congresswoman magsino, ang pangangailangan ng mas mahigpit na pagbabantay at suporta sa OFWs, maging ang pagsasagawa ng mga programa para sa kanilang mental health, training, at legal awareness bago sila ipadala sa ibang bansa.
Nangako naman ang Kongresista na patuloy nilang babantayan ang kaligtasan at dignidad ng bawat pilipinong nagtatrabaho sa labas ng bansa.