Hinimok ni United Nations Secretary General Antonio Guterres ang lahat ng pamahalaan sa buong mundo na tiyaking nabibigyan ng proteksyon ang mga kababaihan sa gitna ng pagtutok sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Ayon kay Guterres, para sa ilang mga kababaihan at kabataan, kanilang nararanasan ang mga panganib sa mga tahanan, ang lugar kung saan dapat sila ligtas sa mga panahong ito.
Aniya sa nakalipas na mga linggo, kasabay ng problema sa ekonomiya at malawak na pangamba dahil sa COVID-19, kanila ring nakita ang nakaalarmang pagtaas sa kaso ng domestic violence o pang-aabuso sa loob ng mga tahanan.
Iginiit ni Guterres, mahalagang maisama rin ng lahat ng mga bansa sa kanilang mga aksyon laban sa COVID-19 ang pagtugon para maiwasan at mapigilan ang pang-aabuso sa mga kababaihan at kabataan.
Hinimok din ni Guterres ang mga botika, grocery, at iba pang mga mahahalagang establisyimento na magkaroon ng mga emergency warning systems para magawang humingi ng tulong ng mga biktima nang hindi nalalaman ng kanilang mga abusers.