Tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte na mabibigyan ng proteksyon ang mga refugees, stateless individuals at asylum seekers.
Ito’y matapos lagdaan ng pangulo ang Executive Order 163 kasunod ng sigalot sa pagitan ng Ukraine at Russia.
Alinsunod sa EO, kikilalanin na rin sa ilalim ng 1951 United Nations Convention Relating to the Status of Stateless Person at 1961 Convention on the Reduction of Statelessness ang pagkakaloob ng kaukulang proteksiyon sa mga itinuturing na Persons of Concern (POC).
Nakasaad din dito ang pagbuo ng Inter-Agency Committee on the Protection of Refugees, Stateless Persons and Asylum Seekers upang matiyak na maibibigay ang serbisyong poprotekta sa POC.
Magsisilbi namang chairperson ng komite ang Department of Justice (DOJ) habang ang dswd ang Vice Chairperson, at magiging miyembro naman nito ang mga ahensya gaya ng DFA, DepEd, DOLE, DOH, DTI, DILG, DOTr, NHA, CHED, PCSO, PRC, PAO, Philippine Statistics Authority (PSA) at ang National Statistician and Civil Registrar General. —sa ulat ni Jopel Pelenio (Patrol 17)