Tatapusin na ng mga pampublikong guro ang halos isang buwan nilang kilos protesta sa harap ng tanggapan ng Department of Education (DEpEd).
Kasabay ng pagdiriwang ng Teachers’ Day, isinagawa ng mga guro ang huling araw ng kanilang protesta sa itinatag nilang protest camp.
Ayon kay Benjo Basas, Pangulo ng Teachers’ Dignity Coalition, sa pito nilang kahilingan, dalawa na rito ang positibo nang tinugon ni Education Secretary Leonor Briones.
Tinukoy ni Basas ang anim na oras na maximum na oras ng pagtuturo at pagkuha ng non-teaching personnel para siyang gumawa ng mga clerical work sa mga paaralan.
Ang iba pa sa kanilang kahilingan ay pagkakaroon ng sick at vacation leave credits sa kabila ng dalawang buwang bakasyon pagkatapos ng school year, suspension ng performance rating system, class observation, pag-amyenda sa polisiya sa paghahanda ng lesson plan at pagbabawal sa Saturday classes at pagpupulong ng mga guro.
“Ang laman niya nung una ay baka lumiit ang oras ng teacher sa kanyang pagtuturo, hindi po, hindi ‘yan magbabago, ang mangyayari po diyan is ‘yung 6 hours na turo ay nandun pa rin, sa magna carta for public school teachers 6 hpours ang maximum na oras ng turo and then 2 hours nakalaan doon sa task incidental for normal teaching duties like lesson planning, checking your exercises, etc.” Pahayag ni Basas.
—-