Naging marahas ang inilunsad na kilos-protesta ng nasa isanlibong demonstrador na kontra COVID-19 restrictions sa Brussels, Belgium.
Pinagbabato at hinagisan ng mga paputok ng mga raliyista ang mga pulis kaya’t napilitang gumanti ng teargas at water cannon ang mga otoridad.
Pawang nakasuot ng itim na hood at sumisigaw ng kalayaan ang mga demonstrador bago pagbabatuhin ang mga pulis.
Iginigiit ng mga raliyista na hindi na nila maatim ang diskriminasyon bukod pa sa ikakasang mandatory vaccination na maituturing anilang isang uri ng diktadurya.
Una nang inihayag ni Belgian Prime Minister Alexander De Croo na ang layunin ng mas mahigpit na restrictions na mapigilan ang panibagong COVID-19 surge o wave sa gitna ng banta ng Omicron variant. —sa panulat ni Drew Nacino