Tuloy-tuloy ang gagawing protesta ng mga manggagawa para labanan ang kontraktuwalisasyon sa paggawa.
Sa kabila ito ng Executive Order na nilagdaan ng Pangulong Rodrigo Duterte na umano’y tatapos na sa endo o end of contract at iligal na kontraktuwalisasyon.
Ayon kay Renato Magtubo, Chairman ng Partido ng Manggagawa, inihahanda na rin nila ang isang komprehensibong kampanya para hikayatin ang mga senador na bumuo ng mas progresibong batas para bigyang hustisya ang mga manggagawa.
Iginiit ni Magtubo na ang dapat inaksyunan ng Pangulo ay ang paglaganap ng mga manpower agencies.
“Ganito kasi ang gusto ng DTI eh, ang job security daw ng mga manggagawa ay puwede rin namang umiral sa mga service provider as legitimate labor contractors, ang sinasabi namin walang job security doon kasi nakatali ang mga service provider sa mga kontrata nila sa principal, kapag nawala ang kontrata wala na ring trabaho ang manggagawa, pangalawa halos ang mga regular job na supposed to be sa ilalim ng principal ay pinakokontrata na nila, halimbawa Philippine Airlines ang kanilang ticketing, baggage handling, catering services na dati ay regular na mga trabaho ay pinakontrata, so ang nangyari tanggal ang mga mangaggawa, mag-a-apply ka ngayon sa mga service provider.” Ani Magtubo
Kinontra ni Magtubo ang pahayag ng Pangulo na limitado sa nilalaman ng kanyang EO ang legal niyang puwedeng gawin para resolbahin ang problema ng mga manggagawa.
Ayon kay Magtubo, puwede namang gumawa muna ng EO ang Pangulo para anya’y mga kakulangan ng department order ng Department of Labor and Employment o DOLE noong nakaraang taon habang inaantay ang pag-amyenda sa labor code.
“The DO-174 last year does not address effectively widespread contractualization of labor, kaya kailangan mo ng EO ay para kaagad ang epekto ay maggamot mo ang mga loopholes ng DO-174 at pangalawa kailangan mo ng EO para magkaroon ka ng direktiba o impluwensya sa pamamagitan ng kalakaran ng iyong administrasyon kung anong hugis ng batas ang dapat isagawa ng Kongreso. Ganito ang itsura natin sa ngayon sa widespread na contractualization, maraming mga trabaho na supposed to be ay regular na trabaho na ginagampanan ng manggagawa sa principal employer ay koni-contract out na.” Pahayag ni Magtubo
(Ratsada Balita Interview)