Binabalangkas na ng Philippine Navy ang ipinatutupad na protocol sa pagsita sa mga dayuhang barko na papasok sa teritoryo ng Pilipinas.
Ito ang inihayag ni Philippine Navy Flag Officer Command Vice Admiral Robert Empedrad kasunod ng utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na sitahin ang mga barkong walang paalam na papasok sa karagatan ng bansa.
Ayon kay Empedrad, binubuo nila ngayon ang rules of engagement sa pagpapatupad ng naturang kautusan ng pangulo.
Sinabi ni Empedrad, mahalagang palakasin ang littoral monitoring stations sa bansa dahil ito ang nakakamonitor ng mga barkong dumadaan sa karagatan ng Pilipinas.
Nilinaw ng opisyal na hindi magiging hostile ang kanilang magiging aksiyon at sisiguraduhin nila sa bubuuing rules of engagement na hindi hahantong ang kanilang mga kilos sa armed confrontation.