Patay sa pananambang ang provincial board member ng Dinagat Island habang papauwi na mula sa pagja-jogging kaninang 7:00 ng umaga.
Sa impormasyong ipinabatid ni Police Regional Office 13 o Caraga Director P/Bgen. Gilbert Cruz sa DWIZ, kinilala nito ang biktimang si Wenefredo Olofernes, 52 taong gulang at residente sa Barangay Luna, Surigao City.
Minamaneho ni Olofernes ang kaniyang motorsiklo kasama ang kaniyang maybahay mula sa provincial grandstand patungo sa kanilang tahanan nang dikitan ito ng salarin na sakay din ng motorsiklo at doon na isinagawa ang krimen.
Tinamaan si Olofernes sa ulo habang himalang galos lang ang natamo ng kaniyang asawa dahilan kaya’t agad isinugod ang mga ito sa ospital subalit sinawing palad na ang opisyal na idineklarang dead on arrival.
Agad bumuo ng special task force ang Caraga Regional PNP upang magsagawa ng malalimang imbestigasyon at mayroon na ring reward na 50,000 piso para sa sinumang makatutukoy sa pagkakakilanlan ng salarin gayundin sa pagtuturo sa kinaroroonan nito.