Wala pang katiyakan kung maipapatupad na ang provincial bus ban sa kahabaan ng EDSA sa susunod na buwan.
Inamin ito ni MMDA General Manager Jojo Garcia dahil wala pang go signal ang Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Sinabi ni Garcia na magpapalabas pa ng guidelines para sa fare matrix at franchise routes ng provincial buses ang DOTr at LTFRB.
Magpupulong pa aniya ang DOTr, LTFRB, MMDA at mga alkalde ng Metro Manila para pag-usapan muli ang bagong scheme.
Samantala, ikinukunsider ng mmda ang pagpapatupad ng window hours para sa provincial buses sa EDSA kung saan posibleng payagan ang mga ito na dumaan sa EDSA mula alas onse ng gabi hanggang alas kuwatro ng madaling araw subalit hindi maaaring magsakay at magbaba ng mga pasahero.