Blangko pa ang Provincial Buses Operators Association of the Philippines (PBOAP) sa plano ng Department of Transportation (DOTr) sa kanilang magiging biyahe sa ilalim ng general community quarantine (GCQ).
Ayon kay Alex Yague, executive director ng PBOAP, wala pa silang natatanggap na advisory mula sa DOTr.
Gayunman, nagpahayag ng pangamba si Yague na mas marami pang provincial bus companies ang malugi sakaling magtuloy-tuloy ang plano ng DOTr na huwag silang payagang makapasok sa Metro Manila.
Marami anya sa mga kumpanya ng bus ang malaki pa ang pagkakautang sa bangko dahil sa mga bagong bus na kanilang binili bilang bahagi ng modernisasyon.
Idagdag pa anya dito ang napakaraming drivers at konduktor na mawawalan ng trabaho kapag nagtuloy-tuloy ang provincial bus ban.
Bagsak lahat ng negosyo, walang hanap-buhay ang mga tao, pagkatapos mag-i-implement ka nito dahil gusto mong luwagan ang EDSA? Maaaring lumuwag ang EDSA pero ang sakripisyo nito, napakaraming tao ang mawawalan ng hanap-buhay. Una na d’yan ang mga empleyado ng provincial bus operators, at hindi lang ‘yon, magiging dagdag pahirap ito doon sa ating mananakay, kasi, instead na isang sakay lang sya, magiging dalawa, tatlong sakay sya bago sya makarating sa kanyang patutunguhan,” ani Yague. —sa panayam ng Ratsada Balita