Naghihinala si gambling consultant Charlie “Atong” Ang na nagsasabwatan ang ilang umano’y sangkot sa pagdukot sa mahigit 30 sabungero upang idiin siya at kanyang negosyo na online sabong sa kaso.
Partikular na tinukoy ni Ang si laguna provincial police director, Col. Rogarth Campo na maaaring nagalit sa kanya.
Ito’y makaraang tanggihan ng negosyante ang hiling ni Campo na magpakilala bilang donor o nagpagawa ng kanilang kampo sa araw ng blessing nito.
Aminado si Ang na bagaman marami talaga siyang nabigyan ng pondo sa pulisya at militar para sa mga pinapagawang pasilidad tulad ng kampo, ayaw umano niyang magsinungaling kaya’t tumanggi siya na magpanggap na nagpagawa ng naturang gusali.
Sa halip ay binigyan na lang umano ng gambling tycoon ang police official ng 1 million pesos na tinanggap naman nito.
Noong nagkausap anya sila ni Campo hinggil sa paglutas o paano kakasuhan ang mga sangkot sa cloning ng e-sabong ay sinabi umano nito sa kanya na kung gusto niya ay dukutin na lang ang mga ito.
Gayunman, itinanggi ni Campo ang akusasyon ni ang at iginiit na hindi umano niya matandaan kung may nasabi siyang ganitong pahayag. –-mula sa ulat ni Cely Ortega-Bueno