Nais paimbestigahan ni Senator Raffy Tulfo ang mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) matapos ang alegasyon ng korapsyon.
Kasunod ito ng naging pagpupulong hinggil sa pagbabawas ng pondo sa mga ahensya ng gobyerno para sa susunod na taon.
Ayon kay Tulfo, dapat bawasan ang mga proyekto ng DPWH na may nakalaang pondo na aabot sa P718.4-B sa ilalim ng mungkahing P5.268-T na budget para sa susunod na taon batay na rin sa National Expenditures Program.
Sinabi ni Tulfo, na malabong sumampa sa P25-B ang halaga ng pondo ng DPWH, dahil aabot lamang sa P10-B ang aktuwal na halaga sa proyekto ng ahensya.
Iginiit din ng senador na dapat silipin kung lehitimo o hindi ang mga proyekto ng DPWH at kung umaakma ang ginagamit na materyales sa paggawa ng mga kalsada at tulay.
Matatandaang nito lamang nakaraang buwan, kinuwestiyon din ni Tulfo ang DPWH dahil sa mga sirang paaralan at depektibong kalsada kung saan, posibleng talamak na umano ang korapsyon sa ahensya.