Magkaiba ang mga programang ipinatutupad sa mga sinalanta ng super bagyong Yolanda sa Tacloban sa mga palaboy sa Metro Manila.
Ito ang sagot ng Malakaniyang sa puna ni Senador Francis Escudero kung bakit mas nabibigyan ng agarang tulong pinansyal ang mga palaboy at informal settlers sa Metro Manila kaysa tulungan pabilisin ang rehabilitasyon sa mga sinalanta ng bagyo sa Leyte.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Herminio Coloma, dapat lawakan ng senador ang kaniyang isipan sa usapin.
Binigyang diin ni Coloma na bahagi ng pambansang programa ang Expanded Conditional Cash Transfer program para sa mga street dwellers na bahagi ng kampaniya ng gobyerno para sugpuin ang kahirapan.
Hiwalay aniya ito para sa resettlement at permanent housing para sa mga sinalanta ng super bagyo.
By Jaymark Dagala | Aileen Taliping (Patrol 23)