Isinangkot ni dating Senador Antonio Trillanes IV ang Pangulong Rodrigo Duterte at Senador Bong Go sa kasong plunder.
Sa kanyang panibagong pagbubunyag, ipinabatid ni Trillanes na nasa P6.6 bilyon na halaga ng kontrata sa gobyerno na napanalunan ng construction company na pag aari ng ama ni Senador Go.
Sa kaniyang paglalantad, ipinabatid ni Trillanes na nakakuha siya ng mga dokumento mula sa DTI at COA na nagpapatunay na ang CLTG builders na pag aari ng ama ni Go na si Desiderio Lim ay nakakuha ng 125 infrastructure projects sa Davao City at Davao Region na nagkakahalaga ng halos P5 bilyon mula Marso 25 hanggang Mayo 2018 lamang.
Mula pa rin sa DTI at COA records, Sinabi ni Trillanes na nakuha rin ng CLTG builders ang 27 government infrastructure projects nuong 2017 at nagkakahalaga ng P3.2 bilyon kabilang ang road widening projects mula P177 milyon hanggang P251 milyon kada isa sa Davao City o Davao Region.
Una na aniyang ibinunyag ng PCIJ at Rappler na napasakamay ng pamilya Go ang malalaking government contracts noong 2018 na kanya namang pina imbestigahan subalit Hunyo 2019 nang matapos ang kanyang termino.