Dapat samantalahin ng pamahalaan ang pagkakataon upang patunayan na mayroon silang ginagawa para matulungan ang pamilya ng mga napatay sa ilalim kampaniya kontra iligal na droga.
Ito’y ayon sa CHR o Commission on Human Rights kasabay ng panawagan nito sa pamahalaan na makiisa at makipagtulungan sa gagawing imbestigasyon ng United Nations Human Rights Council hinggil sa tunay na estado ng karapatang pantao sa Pilipinas.
Ayon kay Atty. Jackie De Guia, tagapagsalita ng CHR, sinabi nito na bilang miyembro ng UNHRC, dapat aniyang tanggapin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ipinasang resolusyon upang magkaroon ng makatuwiran at patas na imbestigasyon.
Makatutulong aniya ang nasabing imbestigasyon ng international body upang maisaayos at mapangalagaan ang karapatang pantao ng mga Pilipino sa bansa.
Una nang binanatan ni Pangulong Duterte ang bansang Iceland na siyang naghain ng resolusyon na kinatigan naman ng United Nations gayung wala naman aniya itong alam sa tunay na kalagayan ng mga Pilipino.