Muling pinatutsadahan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Sen. Richard Gordon at Senate Minority Leader Franklin Drilon kaugnay sa patuloy na imbestigasyon sa Pharmally Pharmaceutical Corporation.
Sa Talk to the People, sinabi ng Pangulo na wala siyang pakeilam kahit pa tumagal ng isang taon ang pagdinig sa isyu na kinasasangkutan ng nasabing Pharmaceutical Company.
Ngunit ayon sa Pangulo, ang hindi lamang niya nagugustuhan ay ang pagiimbita sa pagdinig ng mga miyembro ng kaniyang gabinete para lamang bastusin o hindi pagsalitain.
Dagdag pa ng Pangulo, hindi dapat magpadala ang publiko sa mga intrigang ibinabato sa kaniya kaugnay sa umano’y pagkakasangkot sa Pharmally.
Giit ng punong ehekutibo, mula sa pagiging alkalde ng davao ay hindi niya maabot ang pagiging presidente ng Pilipinas kung siya ay korap kagaya aniya ng dalawang senador dahil wala aniya ito sa kaniyang sistema. —sa ulat ni Jenny Valencia Burgos (Patrol 29)