Muling kinastigo ng Pangulong Rodrigo Duterte ang mga human rights advocates, kasunod nang pagbibigay nito ng update sa Anti-Drug Campaign ng administrasyon.
Ipinakita ng Pangulong Duterte sa kanyang Talk to the Nation ang litrato ng dalawang indibidwal na napatay sa drug operations sa Bacoor, Cavite noong Setyembre 9.
Iniulat din ng Pangulo ang isa pang drug operation sa parehong araw sa Imus City kung saan narekober ang 48 kilos ng shabu na nagkakahalaga ng halos P332-M at kung saan naaresto ang isang mag asawa.
Sinabi ng Pangulo na ayaw niyang may mawalang buhay subalit kailangang isulong ang kampanya kontra iligal na droga kahit pa patuloy siyang bakbakan ng human rights advocates.
Binigyang diin ng Pangulo na hindi niya hahayaang maging inutil ang mga Pilipino bunsod ng illegal drugs dahil hindi niya alam kung saan pupulutin ang Pilipinas kapag nangyari ito.