Tinawag na “taksil” ni Dating Foreign Affairs Secretary Albert Del Rosario si Pangulong Rodrigo Duterte dahil umano sa pagbaliwala sa arbitral win ng Pilipinas sa maritime dispute sa West Philippine Sea.
Ito ang binigyang diin ni Del Rosario kasabay ng ika-limang taong anibersaryo ng makasaysayang tagumpay ng Pilipinas na nagwaksi sa claim ng China sa kabuuan ng pinag-aagawang karagatan.
Ayon kay Del Rosario, may sapat ng rason ang mga mamamayan upang paniwalaang ipinagkanulo ni Pangulong Duterte ang bansa sa nakalipas na 5 taon.
Sinalag naman ni Presidential Spokesman Harry Roque ang mga paratang at ibinalik ito kay Del Rosario na dapat managot sa pagkawala ng Scarborough Shoal sa Pilipinas.
“Kalokohan po yan, coming for a proven traitor siya po ang nag-paalis sa ating kasundaluhan sa scarborough na naging dahilan na ang Tsina na lang ang natira sa scarborough. Mr. Del Rosario, if you want to talk about who that real traitor is, ikaw yon. Ikaw yun sa Tsina at ikaw habang ikaw hindi ka makapagpakita sa teritoryo na binigay sa ibang bansa, manahimik ka riyan.” Pahayag ni Roque.
Hinimok naman ni Roque ang mga abogado at iba pang grupo na magkasa ng kaso laban sa dating kalihim. —sa panulat ni Drew Nacino