Sinita ng Commission on Audit (COA) ang Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) dahil sa P3 billion na halaga ng high-yield investment sa LandBank of the Philippines (LBP) at Development Bank of the Philippines (DBP).
Ayon sa COA, hindi umano otorisado ang PS-DBM na mag-invest at wala sa mandato nito na mag-invest sa high-yield savings account.
Pumalya rin ang PS-DBM na ibalik ang investment sa Bureau of Treasury na labag sa Executive Order 431 na inilabas noong May 30, 2004.
Ipinunto ng state auditors na ang non-return ng P3-billion investment sa treasury ay taliwas sa Department of Finance-DBM-COA Joint Circular 04-2012.
Nakasaad sa circular na lahat ng dormant account, maging unnecessary special at trust funds, ay dapat na ibalik sa general fund.
Tumutukoy ang dormant accounts sa mga koleksyon na otorisado ng batas na i-deposit sa authorized government depository bank at nananatiling inactive sa loob ng mahigit 5 taon.