Tumaas ang bilang ng mga naghihiwalay na mag-asawang Filipino mula 2010 hanggang 2015.
Batay ito sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) kung saan nakita rin sa kaparehong panahon ang halos pagdoble sa bilang naman ng mga mag-partner na mas pinipiling mag-live in na lamang.
Ayon sa PSA, kanilang naitala ang mahigit isang milyon dalawang daang libong mga naghiwalay na mag-asawa noong 2015.
Tatlumpong porsyentong mataas ito mula sa mahigit 890,000 noong 2010.
Gayundin, walumpong porsyento naman ang itinaas sa bilang ng mga mag-live in partner mula sa halos apat na milyon noong 2010 na umabot sa mahigit pitong milyong nitong 2015.
Una nang inihayag ni Catholic Bishop’s Conference of the Philippines Spokesman Rev. Father Jerome Secillano ang posibilidad na mas darami pa ang mga mag-asawang maghihiwalay kapag na-aprubahan ang divorce dahil magkakaroon na sila ng mas madaling option kaysa ayusin ang kanilang relasyon.