Nanindigan naman ang Philippine Statistics Authority (PSA) sa report nito na umakyat sa 6.1% ang inflation rate sa bansa noong Hunyo.
Ito’y sa kabila nang hindi pagsang-ayon ni Pangulong Bongbong Marcos sa nabanggit na ulat.
Ayon kay National Statistician at PSA chief Claire Dennis Mapa, may batayan sila sa paglalabas ng nasabing report.
Ibinabase ng PSA ang inflation sa pamamagitan ng pag-monitor ng Consumer Price Index o galaw ng average retail prices ng “basket of goods and services” na kabilang sa pangangailangan ng bawat pamilya.
Magugunitang inihayag ni Finance secretary at dating Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Benjamin Diokno noong isang linggo na maglalaro sa 5.7% hanggang 6.5% ang inflation sa Hunyo.
Itinuturong dahilan nito ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, pagmahal ng singil sa kuryente at mga presyo ng bilihin at paghina ng piso kontra dolyar.