Blangko pa si Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Ricardo Garcia sa ulat na si dating Philippine National Police (PNP) Chief Alan Purisima umano ang kolektor ng halos P1 bilyong piso na casino earnings para sa sports development.
Una ng lumabas sa column ni DWIZ Anchor Jarius Bondoc sa Philippine Star ang nabanggit na exposé.
Gayunman, inihayag ni Garcia na tanging si Bondoc at Purisima ang makapagpapaliwanag sa issue.
Aminado ang PSC na malaking tulong sana para sa mga atleta ang nasabing halaga kung naibigay lamang ito.
“Hindi ko alam yan, so first time ko lang narinig ito, siya lang siguro ang makakasagot niyan at makakapag-explain kung saan niya nakuha ang mga figure, malaking halaga yun at malaking tulong para sa mga atleta kung naibigay samin dati pa.” Ani Garcia.
Kaugnay nito, matagal nang hinihingi ng Philippine Sports Commission (PSC) ang buong 5 porsyentong share para sa sports development mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Ito ang binigyang diin ni PSC Chairman Ricardo “Ritchie” Garcia sa gitna ng napaulat na nada-divert sa umano’y pangalan ni “Gen. Alan La Madrid Purisima” ang halos P1 bilyong piso na para sana sa mga atleta sa bansa.
Iginiit ni Garcia na 2.5 percent lamang ang napupunta sa PSC mula sa kita ng mga casino sa halip na 5 percent batay sa batas.
Umaasa naman ang PSC Chairman na mababawi ito sakaling mapatunayang napunta sa hindi dapat mapuntahan ang naturang pondo.
“Whatever we can afford na kung anumang mga programa natin, as a matter of fact yung ‘Batang Pinoy’ natin is very successful, meron tayong mga laro’t saya na programa natin sa mga pamilya, hindi naman ito competition, we just want to promote sports sa mga families.” Pahayag ni Garcia.
By Drew Nacino | Jelbert Perdez | Ratsada Balita