Nakatakdang magpatawag ng pulong sa mga atleta ang Philippine Sports Commission (PSC) sa mga susunod na araw mula ngayon.
Ito’y para linawin ang isyu ng umano’y katiwalian sa PSC kasabay ng nalalapit nang 2019 SouthEast Asian (SEA) games sa darating na Nobyembre.
Ayon kay PSC Chairperson William Ramirez, malinis at walang bahid ng kurapsyon ang organizing committee ng Manila SEA Games 2019.
Katunayan, nakipagpulong na siya kina Philippine SouthEast Asian Games organizational committee chairman at Taguig Rep. Alan Peter Cayetano, senador Bong Go at executive secretary Salvador Medialdea upang bigyan sila ng update hinggil sa development ng preparasyon.
Nanindigan din si Ramirez na protektado ang pondo ng SEA Games at tiniyak nitong hindi napupunta kung saan-saan ang mga donasyong ipinararating ng mga stakeholders sa mga atletang Pilipino.