Idinepensa ng Presidential Security Group (PSG) ang pagpapabakuna ng ilan sa kanilang mga miyembro kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito ay bagama’t wala pang inaaprubahang bakuna ang Food and Drug Administration (FDA) na maaaring gamitin sa bansa.
Sa ipinalabas na pahayag ni PSG Commander Brigadier General Jesus Durante, kaniyang inamin na ilan sa close in security ni Pangulong Rodrigo Duterte ang binakunahan na kontra COVID-19.
Ayon kay Durante, nagawa ang hakbang para matiyak na hindi sila maging banta sa kalusugan at kaligtasan ng Pangulo sa gitna ng pandemiya.
Iginiit ni Durante, pangunahing mandato ng PSG ang bigyang proteksyon ang pinakamataas na lider Pilipinas sa lahat ng klase ng banta lalo na ang COVID-19 para mapanatili ang katatagan ng bansa.
Aniya, isinagawa ang pagpapabakuna sa mga miyembro ng PSG hindi para sa personal na agenda bagkus ay magampanan ang kanilang misyon na protektahan ang Pangulo.