Nirerepaso na ng Presidential Security Group (PSG) ang mga ipinatutupad na helicopter protocols para sa ligtas na pagbiyahe ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Kasunod na rin ito ng nangyaring aksidente sa helicopter sa Laguna kung saan sakay ang ilang matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) kabilang si Police General Archie Gamboa.
Ayon kay PSG Chief Col. Jesus Durante, kabilang sa kanilang pinag-aralan ang pagpili sa landing zone at lugar na pagliliparan ng helicopter na sakay ang Pangulo.
Sinabi ni Durante, wala rin silang nakikitang dahilan para limitahan ang pagbiyahe ng Pangulo gamit ang helicopter.
Wala rin aniyang dapat ipag-alala sa pagsakay sa helicopter ng Pangulo kahit gabi dahil mga combat pilots mula Presidential airlift wing ang mga piloto nito.
Una nang sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na hindi nagpahayag ng anumang agam-agam si Pangulong Duterte sa pagsakay ng helicopter sa kabila ng nangyaring aksidente sa Laguna.
Paliwanag ni Panelo, mas gusto ng Pangulo ang gumamit ng helicopter kung magtutungo sa malalapit lamang na lugar dahil mas mabilis ito.