Tiniyak ng Presidential Security Group (PSG) ang kahandaang iharap sa Kamara si Sgt. Jonel Sanchez sakaling ipatawag ng mga kongresista kaugnay sa imbestigasyon ng illegal drug trade sa New Bilibid Prison.
Si Sgt. Sanchez ang PSG member na security escort at umano’y bagman ni Senadora Leila de Lima sa mga transaksiyon sa loob ng pambansang piitan noong siya pa ang kalihim ng Department of Justice.
Sinabi kahapon ni LTC. Michael Aquino, tagapagsalita ng PSG na nasa kustodiya na nila si Sanchez at iniimbestigahan na simula pa noong Sept. 18, 2016.
Pagkatapos ng 5 taong pagiging bodyguard ni De Lima ay na-assign si Sanchez bilang security personnel kay executive Secretary Salvador Medialdea.
Sinabi ni Col. Aquino na naka-secure na si Sanchez sa kanilang barracks at inalisan na ng kanyang duty habang hindi natatapos ang imbestigasyon.
“To ensure his safety, PSG has placed Sgt. Sanchez confined to barracks for the investigation. The command cannot give further details as of this time since we do not want to pre-empt the investigation that is being undertaken by the house of representatives,” ang pahayag ni Col. Aquino.
Isasailalim din sa lifestyle check si Sanchez dahil sa pagkakaroon umano nito ng nito ng malaking bahay at sasakyan na hindi naman tugma sa kanyang kinikita o suweldo.
By: Avee Devierte / Aileen Taliping