Binigyang-diin ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa na walang nalabag na batas ang mga miyembro ng Presidential Security Group (PSG) sa kanilang ginawang pagpapaturok ng COVID-19 vaccine.
Ayon kay Sen. Dela Rosa, dapat na papurihan ang PSG dahil itinaya nila ang kanilang buhay upang maging guinea pigs sa pamamagitan ng pagpapa-inject ng COVID-19 vaccine para sa kaligtasan at proteksyon ni Pang. Rodrigo Duterte.
Matatandaang umani ng iba’t-ibang reaksyon ang ginawang pagpapabakuna ng piling miyembro ng PSG dahil sa wala umano itong approval mula sa Food and Drug Administration (FDA) at mariing ipinagbabawal ng ahensya ang pag-aangkat, pamamahagi at paggamit ng mga ‘di-rehistradong gamot.
Paliwanag ni Dela Rosa, personal na desisyon ng mga selected PSG members ang kanilang pagpapaturok at wala rin naman aniyang batas na nagsasabing bawal silang magpabakuna ng COVID-19 vaccine.
Giit pa ng senador wala syang nakikitang mali dito, lalo na kung aprubado naman ng China ang bakunang ibinigay sa ilang taga-PSG.