Kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na ang mga tauhan mula sa Presidential Security Group (PSG) ang unang nabakunahan kontra COVID-19.
Ito’y ayon kay AFP Spokesman Marine M/Gen. Edgard Arevalo matapos ang ginawa nilang pagtatanong sa iba’t-ibang unit ng AFP.
Ayon kay Arevalo, makatuwiran lamang kung talagang nabakunahan nga ang mga tauhan ng PSG dahil sa ito ang nakatokang magbantay sa kanilang Commander-in-Chief, si Pangulong Rodrigo Duterte.
Gayunman, aminado si Arevalo na hindi nila batid kung ano ang naging kasunduan o usapan kaya’t nabigyan ang PSG ng mga bakuna mula sa Chinese company na Sinopharm.
Pero nilinaw ni Arevalo na walang dapat maging isyu rito dahil normal lamang para sa PSG na gumawa ng mga hakbang upang protektahan ang Pangulo ng bansa na bahagi ng kanilang mandato. — ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)