Tinawag na ‘unprofessional’ ni Health Secretary Francisco Duque III ang ginawang hakbang ng Cardinal Santos Medical Center (CSMC) matapos magpalabas ng pahayag kaugnay sa pagkaka-admit sa kanilang pasilidad ng isang pasyenteng may coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon sa Department of Health (DOH), maaari kasi itong magresulta sa pagka-panic ng mga mamamayan, lalo na sa mga residente na malapit sa nasabing ospital.
Ayon pa kay Duque, unang nag request sakanila ang pamunuan ng ospital na huwag banggitin ang Cardinal Santos Medical Center sa mga impormasyon na ilalabas ng DOH na may kaugnayan sa COVID-19.
Labis itong ikinairita ni Duque matapos nilang i-respeto ang kahilingan ng nasabing ospital.
Pinayuhan naman ni Duque ang mga private firms na mauugnay sa kaso ng COVID-19 na mas mabuting makipag-ugnayan sakanilang ahensya bago gumawa ng kaparehong hakbang.
Huwebes ng magpalabas ang CSMC ng isang public advisory sa kanilang Facebook account na nagsasabing isang lalaking pasyente na may COVID-19 ang naka confine sa kanilang ospital bago pa ito nailipat sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM).