Itinaas na sa code white alert ang lahat ng mga pampublikong ospital sa Metro Manila simula ngayong Martes, ika-7 ng Enero.
Ito ay bilang bahagi ng paghahanda sa taunang Traslacion ng Poon ng Itim na Nazareno.
Ayon kay Health Sec. Francisco Duque III, layunin nitong matiyak na nakahanda ang lahat ng mga pasilidad ng mga ospital para sa mabilis na pagresponde sa anumang emergency situation.
Gayundin, isinailalim na sa on-call status ang lahat ng mga tauhan sa mga ospital at iba pang health service personnel para sa agarang pagpapakilos.
Dagdag ni Duque, may itatala ding 13 medical teams sa daraanang ruta sa prusisyon mula Quirino Grandstand hanggang Quiapo Church.
Habang maglalagay naman ng communication post ang Metro Manila Center for Health Development sa Quiapo.
Tatagal ang code white alert ng mga ospital hanggang ika-10 ng Enero, Biyernes.