Nakabawi na ang Pangulong Noynoy Aquino mula sa mababang satisfaction rating na nakuha nito noong kasagsagan ng isyu ukol sa Mamasapano massacre.
Ito ay matapos umakyat sa positive 30 ang net satisfaction rating ng pangulo mula sa positive 11 na rating noong Marso.
Batay sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations o SWS, lumalabas na 57 porsyento ng mga Pinoy ang kuntento sa performance ng Pangulo habang 27 porsyento ang hindi satisfied at 15 porsyento ang undecided.
Ang naturang survey ng SWS ay isinagawa noong Hunyo 5 hanggang 8 sa may 1,200 respondents.
Palasyo
Pinasalamatan ng Malacañang ang publiko na tinatawag nitong boss sa pagtaas ng satisfaction rating ng Pangulong Noynoy Aquino.
Sinabi ni Presidential Communications Secretary Sonny Coloma na ang pagbawi ng ratings ni PNoy ay patunay pa rin ng tiwala ng publiko sa Aquino administration para ipatupad ang mga reporma sa gobyerno sa ilalim ng tuwid na daan.
Tiniyak ni Coloma na lalo pang pag-iibayuhin ng administrasyon ang paglilingkod sa nalalabing 12 buwang ng panunungkulan ni PNoy.
Batay sa SWS survey, nakabawi ng 10 porsyento si PNoy mula sa naitalang 47% na ratings nito noong Marso.
By Ralph Obina | Judith Larino