Maraming trabaho sa bansa ang malilikha sakaling lumusot ang panukalang pag-amyenda sa 84-taong gulang na Public Service Act.
Ayon ito kay House Ways and Means Committee Chair Joey Salceda, partikular sa transportasyon, kuryente at komunikasyon.
Sinabi ni Salceda na kapag naisabatas na ang kaniyang panukalang House Bill 78 o ang amiyemda sa Public Service Act, magiging katapusan ito ng unfair protection sa lahat ng sektor dahil magkakaroon na aniya ng linaw ang definition ng public utility lalo’t kasama sa foreign equity restrictions ang electricity distribution, electricity transmission at water pipeline distribution o sewerage pipeline system.
Una nang inaprubahan ng kamara sa ikalawang pagbasa ng panukalang amiyenda sa Philippine Statistics Authority (PSA) kung saan papayagan na magkaroon ng 100% ownership ang mga dayuhan sa kuryente, transportasyon at komunikasyon.
Sa ilalim ng kasalukuyang batas, pinapayagan lamang ang mga banyaga na magmay-ari ng mga kumpanya sa nasabing sektor ng hindi hihigit sa 40%.