TIYAK na 90 porsyento nang mga supporters ni presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. ang hindi na mababago ang desisyon at talagang iboboto siya kahit anong mangyari sa darating na halalan sa Lunes (Mayo 9), base sa resulta ng pinakahuling survey ng PUBLiCUS Asia, Inc.
Nakita rin sa naturang survey, na isinagawa mula Mayo 2 – 5, na naging mas solido ang kumpiramadong mga botante ni Marcos, at isang pag-aaksaya lamang ng oras ang anumang tangkang kumbinsihin silang baguhin ang iboboto.
Si Marcos ay numero 7 sa opisyal na balota ng Comelec.
Nang tanungin kung posible pang mabago ang kanilang mga boto sa mga nalalabing araw bago mag-eleksyon, halos lahat sila ay nagsabing mananatiling si Marcos ang iboboto nila.
Nakakuha rin siya ng 54 % voter preference at napanatili ang kanyang lamang na 32 porsyento laban sa kalabang pumangalawa sa kanya.
Ang PAHAYAG: The Final survey ng Publicus ay hindi kinomisyon at gumamit ng 1,500 na mga rehistradong botante sa buong bansa bilang respondents.
Malayong pangalawa pa rin si Leni Robredo, na nakakuha ng 22 porsyentong voter preference. Pumangatlo si Isko Domagoso na nakakuha ng 8 porsyento.
Samantala, ang mga undecided na botante ay nasa 6 porsyento habang sina Senador Ping Lacson at Manny Pacquiao naman ay nakakuha ng 4 porsyento at 2 porsyento, ayon sa pagkakasunod.
Si Inday Sara Duterte naman, na ka-tandem ni Marcos na umani ng 59 porsyentong voter preference, at napanatili ang lamang niyang 43 porsyento laban sa kanyang pinakamalapit na kalaban sa pagka-bise presidente.
Ang Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard-bearer na si BBM ay nakapatala rin ng kahanga-hangang voter preference scores sa mga vote-rich na lugar gaya ng 37 porsyento sa National Capital Region (NCR), 63 porsyento sa North Central Luzon (NCL), 43 porsyento sa South Luzon (SL), 49 porsyento sa Visayas (VIS), at 69 porsyento sa Mindanao (MIN).
Base din sa naturang survey, si Marcos ay nakakuha pa rin ng malakas na suporta ng mga botante mula sa lahat ng economic classes; 47 porsyento mula sa Class ABC, 58 porsyento mula sa Class D at 65 porsyento mula sa Class E.
Sina Marcos at Duterte ay nanatili pa ring frontrunners sa iba pang mga major pre-election surveys na isinagawa ilang araw bago ang presidential elections.
Ang panawagan ng pagkakaisa ng dalawa at ang kanilang polisiyang hindi pagsagawa ng negatibong kampanya ang nagpamahal sa kanila sa mga Pilipino na makikita sa dami ng mga taong dumadalo sa kanilang mga isinagawang campaign sorties sa iba’t-ibang panig ng bansa.
Ang UniTeam nina Marcos at Duterte ay nakatakdang magsagawa ng miting de avance sa Parañaque City ngayong Sabado, May 7, sa pagtatapos ng kampanya.
Kung walang magiging malaking pagbabago sa pulso ng botanteng Pilipino, si Marcos ay nakatakdang maging kauna-unahang majority president na nahalal sa ilalim ng multi-party system sa kasaysayan ng bansa.
Sa loob ng mahabang panahon, ngayon lang din ulit magkakaroon ng tandem vote para sa pangulo at pangalawang pangulo na makakasiguro ng magandang relasyon sa pagtatrabaho ng dalawang pinakamataas na pinuno ng bansa.