Hindi dapat makalabas sa merkado ang mga imported na harina mula sa Turkey at Vietnam.
Ayon kay Ric Pinca, Pangulo ng Flour Millers Association of the Philippines, mapanganib sa kalusugan ang Turkish at Vietnamese flour dahil nakitaan ito ng sobra-sobrang bacteria.
Ipinaliwanag ni Pinca na hanggang 100 units lamang ng yeast bacteria ang katanggap-tanggap na taglay ng harina samantalang ang Turkish at Vietnamese flour ay nakitaan ng mahigit sa 2,000 units ng yeast bacteria.
Maaari aniyang bunga ito ng kawalan ng quality control sa kalinisan ng lugar kung saan ginagawa ang harina.
Pinayuhan ni Pinca ang mga panadero at maging ang publiko na iwasan na muna ang paggamit ng imported na harina at gumamit ng lokal na harina kahit mas mataas ng konti ang presyo nito.
“Ibang klase itong yeast na ito, hindi ito ang normal na yeast na inilalagay natin, ito’y parang mold, parang amag, palagay ko it’s a matter of sanitary condition in the working place kasi these are bacterias eh, it only comes from an area where there could be some unsanitary conditions, it’s really beyond, excessively beyond the requirement standard set by the Food and Drug Administration.” Pahayag ni Pinca.
By Len Aguirre | Ratsada Balita