Binalaan ng Bureau of Immigration (BI) ang publiko laban sa mga nagpapanggap na kaanak at kaibigan ng kanilang mga opisyal.
Ito’y makaraang makatanggap ng ulat ang ahensya na ipinagmamalaki ng mga scammer ang kanilang koneksyon sa pamunuan ng BI.
Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, nag-aalok ang mga scammer ng illegal services, halimbawa na lamang ng isang insidente kung saan nakatanggap ng 200,000 pesos ang isang manggagantso mula sa biktima kapalit ng pag-aayos ng visa.
Napaniwala anya ang biktima na mayroong kaanak na opisyal ng ahensya ang scammer.
Hinimok naman ni Morente ang publiko na huwag basta maniwala at agad isumbong sa mga lehitimong government agency ang anumang mga kahalintulad na alok.