Nananawagan ang National Water Resources Board (NWRB) sa publiko na magtipid sa paggamit ng tubig.
Ito ay bunsod pa rin ng patuloy na pagbaba sa lebel ng Angat dam na siyang pangunahing pinagkukunan ng tunig ng Metro Manila at mga karatig na lugar.
Ayon kay NWRB Executive Director Sevillo David Jr., malaki ang posibilidad na magresulta sa water service interruptions sa mga susunod na araw ang patuloy na pagbaba ng water level sa Angat dam.
Sa ngayon, aniya nanatili sa 40 cubic meters per second pa ang alokasyon ng MWSS mula sa angat dam na 13-15% mababa sa normal allocation na 46 cubic meters per second.
Gayunman, sinabi ni David na maaari pa ring mabawasan ang alokasyon ng MWSS kung patuloy na hindi sasapat ang pag-ulan sa bahagi ng mga watersheds sa Luzon.
Binigyang diin pa ni David, mahigpit din ang kanilang pagmomonitor sa antas ng tubig ng Angat dam para maiwasan nang maulit pa sa 2020 ang naranasang malaking kakulangan ng tubig ngayong taon.