Asahan na ng publiko ang lalong pagsirit ng presyo ng mga produktong petrolyo sa mga susunod na linggo dahil sa pag-atake ng Russia sa Ukraine.
Ito’y makaraang pumalo na sa 105 dollars ang kada bariles ng brent crude sa international market, ang pinaka-malaking price increase simula noong 2014.
Sa tantsa ng Department of Energy (DOE), posibleng umabot sa 77 pesos ang kada litro ng gasolina kumpara sa kasalukuyang 68 pesos habang 73 pesos ang kada litro ng diesel kumpara sa kasalukuyang 59 pesos.
Inaasahan naman ng mga analyst na posibleng lumobo sa 120 dollars ang presyo ng kada bariles ng krudo sa World Market sa mga darating na linggo.
Ayon kay Energy Undersecretary Gerardo Erguiza Junior, ang kinakaharap ngayon ng bansa ay isang global problem kaya’t nagkakaroon ng kakulangan sa supply at ang produksyon ng langis ay hindi makasabay sa demand.
Nilinaw naman ni Erguiza na walang direktang epekto sa supply ng langis sa bansa ang digmaan ng Russia at Ukraine dahil hindi direktang nanggagaling sa russia ang krudo na ginagamit sa pilipinas.
Gayunman, inaasahan anya ang supply disruptions ng mga oil product na maaaring maging sanhi ng pagtaas ng preso.