Hindi dapat magpakampante ang publiko sa kabila ng bumababang bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ayon kay OCTA Research Fellow Professor Dr. Guido David, posibleng mas bumaba pa ang bilang ng naitatalang kaso ng COVID-19 kada araw pero hindi dapat isawalang bahala ng publiko ang transmission ng nakakahawang sakit.
Mas panatag kasi ngayon na lumabas ng bahay ang mga residente matapos luwagan ang restriksiyon at isailalim sa Alert level 2 ang Metro Manila dahil sa mababang kaso ng COVID-19.
Sa pahayag ng ilang mga residente, naging panatag sila dahil sa mataas na vaccination rate kung saan, umabot na sa mahigit 59M Pilipino ang Fully vaccinated na at mga nagpa-Booster shot.
Sinabi naman ni David na sa darating na araw ng mga puso ay maaaring sumampa nalang sa 5K ang kabuuang bilang ng karagdagang kaso ng COVID-19 kada araw habang 1K naman bago matapos ang buwan ng Pebrero sa buong bansa.
Dagdag pa ni David na sa susunod na mga linggo ay posibleng nasa “Low risk classification” nalang ang maraming lugar sa bansa kung patuloy na susunod sa health protocols ang bawat isa. —sa panulat ni Angelica Doctolero