Tuloy pa rin ang 3rd quarter nationwide simultaneous earthquake drill na pangungunahan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay NDRRMC Spokesperson Mark Timbal, gagawin ito virtually o via online sa ganap na alas-dos ng hapon sa Setyembre 10, Huwebes.
Hindi tulad ng mga nakasanayan, gagawin ang ceremonial pressing ng button sa facebook live stream bilang hudyat ng duck, cover at hold procedure.
Dahil dito, hinikayat naman ng NDRRMC ang publiko na hanapin sa facebook ang kanilang page na NDRRMC Office of Civil Defense (OCD) upang makiisa sa nasabing aktibidad.
Nakatakda ring i-update ng OCD ang National and Regional Public Service Continuity Plans gayundin ang contingency plans upang makasabay sa COVID-19 health measures.