Hinimok ni World Health Organization (WHO) Country Representative Dr. Rabindra Abeyasinghe ang publiko na iwasang mag-overreact at mag-assume na nakapasok na ang Omicron variant sa bansa.
Hindi aniya mabuting ikonsidera na nakapasok na ang Omicron sa Pilipinas dahil kailangan muna itong makumpirma sa pamamagitan ng pagsusuri.
Ayon kay Abeyasinghe, dapat na magpatupad ng “risk-based” approach at palakasin ang kapasidad ng bansa laban sa naturang variant.
Dagdag pa ng opisyal, hindi lang dapat tutukan ng Pilipinas ang mga bansang may kaso ng Omicron.
Mainam din aniya na ma-sequence ang lahat ng sample ng mga pumasok sa bansa na positibo sa Covid-19 nitong nagdaang 10 araw o 2 linggo.