Hinikayat ng Department of Environment and Natural Resources o DENR ang mga Pilipino na sama-samang magpatay ng ilaw sa loob ng isang oras mamayang gabi.
Ito’y ayon kay Environment Secretary Ramon Paje ay bilang pakikiisa ng Pilipinas sa taunang Earth Hour upang malabanan ang epekto ng climate change.
Simula taong 2009, nagsimula nang makiisa ang Pilipinas sa Earth Hour at ikinukunsidera itong pinakamalaking hakbang hindi lamang ng Pilipinas kundi ng lahat ng bansa sa pagmamahal sa mundo.
Bagama’t aminado si Paje na maliit lamang ang carbon footprint ng Pilipinas kumpara sa mga mauunlad na bansa, may mahalagang papel pa rin namang ginagampanan ang bansa sa pangangalaga sa kalikasan.
Partikular na ibinida ni Paje ang National Greening Program o ang sabayang pagtatanim ng puno sa mga gubat kung saan, aabot sa isa’t kalahating milyong ektarya ang target na mataniman hanggang Hunyo ng taong ito.
Magsisimula ang sabayang pagpapatay ng ilaw mamayang alas-8:30 hanggang alas-9:30 ng gabi.
Tourist spots
Handa na ang iba’t ibang kilalang pook pasyalan sa bansa para makiisa sa gagawing Earth Hour mamayang gabi.
Sa Baguio City, isang programa ang isasagawa sa harap ng City Hall bago ang countdown para sa sabayang pagpapatay ng ilaw.
Tampok din dito ang tatlong oras na pagpapatay ng ilaw ng mga inmates ng Baguio City Jail na nakagawa na ng record sa mga nakalipas na panahon.
Hinimok din ng mga opisyal sa Boracay Island sa Aklan ang mga turista’t negosyante na makiisa rin sa Earth Hour.
Kasabay nito tiniyak naman ng pulisya sa lugar ang kaligtasan ng mga establisyemento habang isang oras na nakapatay ang ilaw doon.
By Jaymark Dagala | Monchet Laraño