Hinimok ni DENR o Department of Environment and Natural Resources Secretary Gina Lopez ang publiko na makiisa sa mga aktibidad para sa taunang earth hour.
Ito ay sa pamamagitan ng sabay-sabay na pagpatay ng ilaw mula alas-8:30 hanggang alas-9:30 mamayang gabi.
Ayon kay Lopez, mahalaga ang pakikibahagi ng sambayanang Pilipino sa mga ganitong aktibidad lalo’t kabilang ang Pilipinas sa mga bansang madaling maapektuhan ng climate change.
Maliban dito, makasaysayan din aniya ang pagdaraos ng Earth Hour ngayong taon matapos ratipikahan ng Senado ang Paris Agreement on Climate Change na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan lamang.
Kasabay ng paghimok ay sinabi rin ni CBCP o Catholic Bishops Conference of the Philippines President at Lingayen Dagupan Archbishop Socrates Villegas na ito’y bilang pasasalamat sa biyayang ipinagkaloob ng Diyos tulad ng pagkakaroon ng suplay ng kuryente, tubig at maging pagkain.
Idinagdag pa ni Villegas na sa pamamagitan ng pagpatay ng electric gadgets sa loob ng isang oras, magiging daan ito sa pagtitipid ng enerhiya at pagpapakita ng suporta sa kampanya laban sa climate change.
Una nang isinagawa ang Earth Hour noong 2007 sa Sydney, Australia at agad itong inilunsad sa Pilipinas noong 2008 kung saan ito ang kauna-unahang bansa sa Asya na nakiisa sa nasabing programa.
By Ralph Obina | Meann Tanbio
Photo: Earth Hour 2010, Canada