Aarangkada na ngayong araw ang kilos protesta ng iba’t ibang grupo kasabay ng paggunita sa ika-45 anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Batay sa pagtaya ng NCRPO o National Capital Region Police Office, humigit kumulang nasa 10,000 ang makikilahok sa malawakang kilos protesta na kinabibilangan ng mga grupong pabor at kontra sa administrasyon.
Kabilang sa mga tinukoy na assembly points ng mga grupong kontra administrasyon ay ang Ateneo de Manila University, University of the Philippines Diliman, panulukan ng EDSA at Quezon Avenue, Bantayog ng mga Bayani, punong tanggapan ng CHR o Commission on Human Rights sa Diliman at ang San Agustin Church sa Intramuros, Maynila.
Mula sa mga nabanggit na lugar, sabay-sabay na magmamartsa ang mga iyon patungong Luneta kung saan duon sisimulan ang malaking programa kontra war on drugs, extrajudicial killings at ang pagbabalik umano ng diktadurya sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Samantala, sasabayan din ng programa ng iba’t ibang grupong pabor sa administrasyon ang araw na ito sa makasaysayang Mendiola gayundin sa Plaza Miranda sa Quiapo na kapwa nasa Maynila.
Kasunod nito, muling hinikayat ng Malakaniyang ang publiko na makiisa at makilahok sa mga ikinasang pagkilos kasunod ng idineklarang National Day of Protest ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Martin Andanar, patunay lamang ito na binibigyang halaga ni Pangulong Duterte ang pag-iral ng demokrasya taliwas sa ipinaparatang ng ilan na pagbabalik ng diktadurya.
SMW: RPE