Pangungunahan ng NDRRMC o National Disaster Risk Reduction and Management Council ang isasagawang nationwide simultaneous earthquake drill ngayong araw.
Ayon kay NDRRMC Executive Director Undersecretary Ricardo Jalad, gaganapin ang seremonya sa pagsisimula ng drill sa Central Command Camp sa Lapu-Lapu, Cebu City mamayang alas-2:00 ng hapon.
Dagdag ni Jalad, kasabay nito ay ilulunsad din ang “Bida ang Handa Campaign” ng Office of the Civil Defense na layuning palakasin ang kampanya sa disaster preparedness.
Hinikayat din ni Jalad ang publiko na mag-post ng mga larawan at video sa social media bilang pakikiisa sa aktibidad ng ahensiya.
Isasagawa rin ang earthquake drill sa mga lalawigan ng Ilocos Norte, Bataan, Laguna, Camarines Sur, Iloilo, Zamboanga City, General Santos City, Maguindanao, Surigao del Sur at Negros Island Region.
Sa panayam naman ng DWIZ, sinabi ni NDRRMC Spokesperson Mina Marasigan na mahalagang makiisa ang sambayanan sa earthquake drill upang ma-refresh sa mga dapat gawin bago, tuwing at matapos ang isang malakas na lindol.
Nagsisilbi din aniyang pagsasanay ang aktibidad para sa pag-responde ng komunidad sa oras ng sakuna.
Muling binigyang diin ni Marasigan na dapat maisa-isip ng bawat Pilipino ang inisyal na reaksyon sa pagtama ng lindol.
“May mga CCTV na na-view natin noong naganap ang Surigao quake may mangilan-ngilan pa rin na tumakbo at nasaktan, kailangan talaga patuloy ang ating paghahanda, initial reaction dapat: Duck, Cover and Hold, yan ang dapat gawin ng ating mga kababayan.” Pahayag ni Marasigan
By Krista de Dios | AR | Ratsada Balita (Interview)
Photo: OCD