Muling nilinaw ng Department of Health (DOH) na ang “brand agnostic” inoculation policy ay hindi magtatanggal ng karapatan sa mga magpapabakuna na malaman nila ang impormasyon kaugnay sa COVID-19 vaccine na ituturok sa kanila.
Ito’y matapos umani ng batikos ang naturang polisiya ng DOH na hindi pag-aanunsyo ng brand ng bakunang available sa mga vaccination center.
Sinabi ni Health Undersecretary Myrna Cabotaje, walang dapat ipangamba ang publiko dahil mananatili pa rin ang transparency sa pagbabakuna kontra COVID-19.
Ani Cabotaje bago sila turukan ng bakuna, malalaman nila kung anong brand nito at sila ay papipirmahin sa isang “informed consent” na magiging patunay na sila ay nabigyan ng impormasyon tungkol sa bakunang kanilang tatanggapin.
Kabilang aniya sa mga impormasyong ibabahagi sa mga magpapabakuna ay ang mga posibleng maging side effect ng partikular na COVID vaccine.
Giit ni Cabotaje, dahil sa limitadong suplay ng bakuna ay hindi maaaring basta-basta mamili ang publiko ng brand ng COVID-19 vaccine na ituturok sa kanila.