Nanawagan ang Malakanyang sa publiko na maging mapagmatyag at alerto matapos ang magnitude 6.6 na lindol sa Calatagan, Batangas.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, dapat din maging laging handa at makipag-ugnayan ang mga apektadong residente sa kani-kanilang mga lokal na gobyerno sakaling magkaroon ng evacuation.
Nag-deploy na anya ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng mga team upang i-assess ang structural integrity o pinsalang idinulot ng pagyanig sa Metro Manila, CALABARZON at MIMAROPA kung mayroon man.
Mag-a-ala-5 kaninang madaling araw nang tumama ang malakas na lindol sa kasagsagan ng malakas na ulang dala ng Habagat.
Bukod sa Batangas, naramdaman ang pagyanig sa ilang bahagi ng Metro Manila, Cavite, Rizal, Laguna, Bulacan at Mindoro Occidental. —sa panulat ni Drew Nacino