Inalerto ng Philippine National Police (PNP) ang publiko laban sa mga modus operandi ngayong Kapaskuhan.
Ayon kay PNP Spokesman Chief Supt. Wilben Mayor, kalimitan ay nawawala sa focus ang marami sa ating mga kababayan kaya’t sila ay nabibiktima lalo na sa kanilang pagmamadali tulad na lamang ng tinatawag na “bestfriend gang”.
Nangyayari ito sa mga grocery stores kung saan may lalapit na tao at makikipag usap, siya ang magbibitbit at magdadala sa pinamili ng biktima.
Aakalain ng cashier na kasamahan ito ng biktima kaya’t kapag nawala ang kawatan, ang kawawang biktima ang magbabayad sa mga pinamili ng suspek.
Nagbabala rin ang pnp sa publiko laban sa mga salisi gang, laslas bulsa o laslas bag gang at ipit taxi gang.
Binalaan din ng Pambansang Pulisya ang publiko laban sa mga naglalagay ng skimming device sa mga atm machines tuwing araw ng suweldo.
By Meann Tanbio | Jonathan Andal